MAHAL NA BIRHEN NG
GUADALUPE
Unang nagpakita ang Mahal na Birhen kay Juan Diego sa
Mexico noong madaling araw ng Disyembre 9, 1531.
Magsisimba noon is Juan Diego. Habang tinatahak niya
ang landas sa burol ng Tepeyac, nakarinig siya ng
awitan. Nakita niya ang isang napakagandang babae na
nagpakilalang siya ang Birhen Maria, maawaing Ina ng
sangkatauhan, at nangakong diringgin niya at lulunasan
ang kanilang mga hinaing sa lugar na iyon.

Inutusan ng Mahal na Birhen si juan Diego na dalhin kay
Obispo Zumarraga ang kanyang kahilingang magtayo
roon ng isang simbahan. Ginawa ito ni Juan Diego,
ngunit maingat ang Obispo at pinayuhan siyang bumalik
na lamang sa ibang araw.

Pagbalik ni Juan Diego sa Tepeyac sa dapit-hapon ng
araw ding iyon, muling nagpakita ang Mahal na Birhen;
ito ang pangalawang pagpapakita. Sinabi ni Juan Diego
ang sagot ng Obispo; muli siyang inutusan ng Mahal na
Birhen na bumalik sa Obispo kinabukasan.

Kaya humarap na naman si Juan Diego sa Obispo noong
Disyembre 10. Masugid na nag-usisa ang Obispo at
ipinaliwanag na kailangan niya ang isang tanda bilang
katunayan na talagang ang kausap ni Juan Diego ay ang
Ina ng Diyos. Subalit hindi niya sinabi (nasa isip lamanag
niya) ang hinihiling niyang tanda: Castillian roses, na
hindi kapanahunan noon at sadyang hindi tumutubo sa
lugar na iyon na masyadong mabato.

Naghihintay na ang Mahal na Birhen nang makabalik si
Juan Diego sa burol ng Tepeyac noong araw ding iyon.
Sinabi ni Juan Diego na humiling ng tanda ang Obispo. Nangako ang Mahal na Birhen na ibibigay
niya kinabukasan ang hinihiling ng Obispo.

Hindi pumunta sa burol si Juan Diego noong Disyembre 11 dahil inalagaan niya ang kanyang tiyo, si
Juan Bernardino, na biglang nagkasakit nang malubha. Inutusan ng matanda ang pamangkin na
tumawag ng pari kinabukasan sa pag-aakalang mamamatay na siya.

Kaya’t nagmamadaling lumakad si Juan Diego noong umaga ng Disyembre 12 upang sumundo ng
pari. Tinangka niyang iwasan ang Mahal na Birhen; sa ibang lugar siya dumaan. Nabigla na lamang
siya nang makasalubong niya ang Mahal na Birhen; ito ang pang-apat na pagpapakita. Nagpaliwanag
si Juan Diego kung bakit hindi siya sumipot kahapon at kung bakit nagmamadali siya ngayon, subalit
sinabi sa kanya ng Mahal na Birhen na magaling na ang kaniyang tiyo.

Noong umagang iyon, inutusan ng Mahal na Birhen si Juan Diego na umakyat sa tuktok ng burol at
manguha ng bulaklak doon. Labis na namangha si Juan Diego nang mamasdan niya ang
napakabango at naggagandahang rosas na basa pa ng hamog ang mga talulot.

Inayos ng Mahal na Birhen ang mga rosas sa kapa (o tilma) ni Juan Diego at ipinadala niya iyon sa
Obispo.

Nang nasa harap na niya ang Obispo, binitawan ni Juan Diego ang dulo ng kanyang tilma at
binayaang mahulog ang mga rosas sa sahig.

Namangha nang gayon na lamang ang Obispo dahil siya lamang ang nakakaalam ng hiniling niyang
tanda sa Mahal na Birhen. At higit pa siyang namangha nang masaksihan niya ang unti-unting
pagsipot sa tilma ng larawan ng Mahal na Birhen. Bigla siyang napaluhod, lumuha, at taimtim na
humingi ng tawad sa Mahal na Birhen dahil sa kanyang pagdududa kay Juan Diego. Pagkatapos ay
maingat niyang kinalas ang tilma ni Juan Diego at dinala iyon sa sariling kapilya.

Sa loob ng dalawang linggo, nagpatayo ang Obispo ng kapilya sa burol ng Tepeyac; at inilipat doon
ang tilmang may larawan ng Mahal na Birjen.

Hindi nagtagal at ang Birheng Maria, sa ilalim ng titulong Mahal ng Birhen ng Guadalupe, ay
itinanghal na Patrona ng buong America, gayundin ng Pilipinas noon namang 1935.
NOBENA SA MAHAL NA BIRHEN NG GUADALUPE

UNANG ARAW
Ito ang sinabi ng Mahal na Birhen ng Guadalupe kay Juan Diego sa burol ng Tepeyac
noong Disyembre 9, 1531:

Minamahal kong anak,
Ako ang Birheng Maria,
Ina ng tunay na Diyos,
Na nagbigay buhay at bumubuhay,
Lumikha ng lahat ng bagay,
Panginoon  ng langit at lupa,
At namamahay sa lahat ng lugar,
Nais kong magkaroon
Dito ng isang simbahan,
kung saan maipapakita ko
ang aking awa sa mga katutubo
at sa lahat ng taong
humihingi ng aking tulong.
Sinabi mo ito, Mahal na Ina, punuin mo ang puso ko ng pag-ibig at pasasalamat, kasabay ang panibagong pananalig at pag-asa, sapagkat ang sinabi
mo’y patungkol din sa akin. Kaya’t lumalapit ako sa iyo, nagtitiwalang tatanggap ng tulong mo, ang grasyang magbibigay sa akin ng kakayahang
mamuhay nang naaayon sa aral ng iyong Anak na si Hesus, na nais kong mahalin ng buong puso. Nakibahagi sa lahat ng hirap na pinasan ng aking
Tagapagligtas, kaya’t ako ay iyo rin, at ikaw ay aking ina.

Huwag mo akong iwan sa lambak na ito ng kalungkutan; maawa ka. Nagsusumamo ako sa iyo sa aking karukhaan at pangangailangan, mahabag ka sa
aking pag-aalala at pagkabalisa; tulungan mo ako at aliwin sa aking paghihirap at kahinaan. Amen.

(Matapos ang panalangin, magdasal ng apat na “Aba, Ginoong Maria” bilang paggunita sa apat na pagpapakita kay Juan Diego, at Alaala sa Mahal na
Birhen ng Guadalupe.)

IKALAWANG ARAW

Ito ang sinabi sa ikaapat at huling pagdalaw kay Juan Diego:

Huwag kang malungkot nang
Dahil sa anupaman;
At huwag kang matakot sa anumang
Karamdaman, sakuna o sakit.
Hindi ba’t narito ako, ang iyong ina?
Hindi ba’t nasa ilalim ka ng
Aking kalinga at pangangalaga?
May kailangan ka pa bang iba?

Para rin sa akin ang sinabi mong ito, at pinupuno nito ang ang puso ko ng galak at pag-asa.

Mapagmahal na Ina, ibaling mo sa akin ang iyong habag; ganap mo akong sanayin sa iyong pag-ibig upang matuto akong iwan sa iyong paanan ang
lahat ng gulo at pagkabahala, batid na maaalala mong ikaw ang aking Ina at ako ay nasa ilalaim ng iyong kalinga at pangangalaga, batid na
makakamtan mo para sa akin ang kaaliwan, na kailangang-kailangan ko. Amen.

(Matapos ang panalangin, magdasal ng apat na “Aba, Ginoong Maria” bilang paggunita sa apat na pagpapakita kay Juan Diego, at Alaala sa Mahal na
Birhen ng Guadalupe.)
IKATLONG ARAW

Nang dalawin mo ang naghihingalong tiyo ni Juan Diego na si Juan
Bernardino, at pinagaling mo ang kanyang karamdaman at sinabi mo sa
kanya ang iyong pangalan, ang “Kalinis-linisang Birheng Maria na
dumurog sa Ahas”, pinuno mo ng galak ang mga katutubo ng Mexico.
Katumbas ito ng mensahe na hindi na nila kailangang mag-alay ng
buhay ng tao sa kanilang mga paganong diyus-diyusan.

Reyna ng Langit, mahabaging Ina,
Aming buhay, aming ilaw, at aming pag-asa!
Tulutan mo kami, Mahal na Ina ng Diyos. Puksain mo ang AHAS NG
KASALANAN at tanggalin ito sa aming buhay, upang kami’y maging
karapat-dapat sa mga pangako ni Kristong iyong Anak. Amen.

(Matapos ang panalangin, magdasal ng apat na “Aba, Ginoong Maria”
bilang paggunita sa apat na pagpapakita kay Juan Diego, at Alaala sa
Mahal na Birhen ng Guadalupe.)
IKAAPAT NA ARAW

Nang mamasdan ng mga katutubo ang kahanga-hanga mong larawan sa kapa ni Juan Diego, agad nilang nakitang ito’y isang mensahe sa kanila mula
sa langit. Ang iyong magarang tindigan sa anyo ng isang tao ay nagsasaad na nanirahan ka sa mundo noong lumipas na panahon. Ngunit ang mga
rayos ng araw, ang ulap na bumabalot sa iyong katawan, ang mga bituin sa iyong damit, ang buwan na tinutungtungan mo, ang anghel na nagdadala sa
iyo sa kalawakan --- ang lahat ng ito’y nagpapahiwatig na sa langit ka ngayon naninirahan, at natawag ang pansin ng mga tao sa kawalang-kamatayan
ng kaluluwa.

O Mahal na Birhen, kung paanong nagturo sa mga katutubo ang larawan mo sa kapa ni Juan Diego, turuan din nawa ako na kailanma’y huwag
makalimot sa kawalang-kamatayan ng aking kaluluwa, na langit ang aking layunin at pamana. Sa gitna ng mga tukso at hirap sa mundong ito, lagi
nawang isipin ko ang tahanang iyon, kung saan namamayani ang kaluwalhatian at walang hanggang kaligayahan. Amen.

(Matapos ang panalangin, magdasal ng apat na “Aba, Ginoong Maria” bilang paggunita sa apat na pagpapakita kay Juan Diego, at Alaala sa Mahal na
Birhen ng Guadalupe.)

IKALIMANG ARAW

Sa loob ng maraming dantaon, sumamba sa araw ang mga katutubo ng Mexico at nag-alay sila ng di-mabilang na buhay. Subalit nang makita nila ang
maganda mong larawan na pumawi sa araw kaya’t ang mga rayos na lamang nito ang nababanaagan, naunawan nila ang aral na pinararating nito.

Matapos marinig ng mga katutubo ang iyong mensahe at mabasa ang buod ng iyong larawan, tinalikuran nila ang kanilang mga diyus-diyusan at
niyakap ang aral ng iyong Anak.

Kailanma’y hindi sila nagsawang magpasalamat sa Makapangyarihang Diyos na nagsugo sa iyo upang maging Reyna, Ina at guro nila.

O Birheng Maria, sa pamamagitan ng misteryo ng Pagkakatwang-tao ng iyong Anak, ang aming Panginoong Hesukristo, kung paanong nagsimula ang
kaligtasan ng aming kaluluwa, ihingi mo kami ng liwanag na maunawaan ang laki ng grasyang ibinigay Niya sa amin sa pagiging Kapatid namin at sa
pagpapahintulot na ikaw, ang iginagalang Niyang Ina, ay maging Ina rin namin.

(Matapos ang panalangin, magdasal ng apat na “Aba, Ginoong Maria” bilang paggunita sa apat na pagpapakita kay Juan Diego, at Alaala sa Mahal na
Birhen ng Guadalupe.)

IKAANIM NA ARAW

Ang naglalagablab na apoy sa altar ng mga diyus-diyusan ay tuluyang napawi matapos pagmasdan nang matagal ng mga katutubo ng Mexico ang
iyong larawan at  makita kang nararamtan ng langit na puno ng mga bituin. Nagsasaad na itong mga bituin ay nilkha ng Diyos upoang maglingkod sa
sangkatauhan, kaya’t ang mga ito’y hindi maaaring maging diyos na dapat sambahin at handugan.

O Birheng Maria, sa pamamagitan ng larawan mong ikinintal sa Diyos sa kapa ni Juan Diego, inakay mo ang milyun-milyong pagano tungo sa liwanag ng
tunay na relihiyon. Nagmamakaawa akong ihingi mo ako ng grasya na maunawaan ang mensaheng nilalaman ng iyong larawan. Silayan mo ako ng
iyong liwanag; patnubayan mo at pabanalin ang lahat ng aking ginagawa. Amen.

(Matapos ang panalangin, magdasal ng apat na “Aba, Ginoong Maria” bilang paggunita sa apat na pagpapakita kay Juan Diego, at Alaala sa Mahal na
Birhen ng Guadalupe.)
next > > >